
Isang masayang food trip adventure ang hatid ng bagong vlog ni Cong TV kasama ang kapwa content creator at TP Friend na si Ninong Ry.
Maliban sa food trip, ang pangunahing layunin ng vlog ay alamin mula sa mga tiga-Malabon kung talaga nga bang pinakasamasarap sa bayan ang Pancit Malabon ng editor ni Ninong Ry na si Ian Gimena.
“Napalaban sa Malabon”
Sa naturang vlog, binisita ni Cong ang chef-vlogger sa kanilang bahay sa Malabon kasama ang ilang miyembro ng Team Payaman Wild Dogs na sina Junnie Boy, Burong, at Carding.
Tinawag nilang “Napalaban sa Malabon” ang food trip adventure dahil hinamon nila si Ian na alamin ang pulso ng bayan patungkol sa “Mylene’s Pancit Malabon” na ilang taon na niyang ipinagmamalaki sa iba’t ibang bisita.

Upang malaman ang sagot, naglibot ang grupo sa mga kalye ng Malabon at nagtanong sa mga residente tungkol sa dalawang uri ng Pancit Malabon na kanilang ihinanda.
Sa kalagitnaan ng kanilang pag-iikot, pinasubok na rin ni Ninong Ry sa TP Wild Dogs ang iba’t ibang sikat na lokal na pagkain sa Malabon kagaya ng puto, crispy pata, quekiam, at mga kakanin tulad ng biko, mais, ube, kutsinta, kamoteng kahoy, at sapin-sapin.
“Maraming maraming salamat, Nong, sa napakasarap na foodtrip na ipinagkaloob mo sa amin,” pagpapasalamat ni Cong.
“Nabigyan mo kami ng bagong perspective sa pagkain. Walang tapon dun sa mga pinuntahan natin,” ani pa ni Junnie Boy.
Nang TP Wild Dogs na mismo ang tumikim sa dalawang bersyon ng pancit, sinabi ni Cong na malinaw ang pagkakaiba ng lasa ng bawat isa at nakadepende ito sa nais na panlasa ng tao.
Ayon sa kanya, may isang naglalabas ng mas “classic” na lasa ng pancit habang ang isa naman ay may sariling kakaibang timpla.
Sa huli, nakalikom ang grupo ng kabuuang 62 boto mula sa mga lokal. Sa bilang na ito, ibinunyag ni Cong na 27 lang ang pumili sa isang uri habang 35 naman ang bumoto para sa Pancit Malabon ni Ian.
“Gusto ko lang magpasalamat sa mga tao sa Malabon, sa mga pumili ng Pancit Malabon namin. Gusto ko lang din pasalamatan sina Boss Cong, at syempre kay Bossing (Ninong Ry) kasi hindi ako kinakalimutan,” pahayag naman ni Ian.
Ibinahagi rin ni Ian ang pagmamalaki sa kanyang ina na patuloy na nagsusumikap para sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng Mylene’s Pancit Malabon.
“Proud na proud ako sa mama ko sa pagtatrabaho niya sa amin, talagang inaahon niya pa rin kami,“
Bilang pagtatapos, nagbigay ng mensahe si Cong tungkol sa pagpapahalaga sa mga magulang.
“‘Yan yung isang bagay lahat tayo makakarelate kasi pare-parehas tayong proud sa mga bagay na nagawa para sa atin ng mga magulang natin. Kung hindi dahil sa kanila, wala tayo rito. So parang, we always honor our parents, so big shoutout sa mga magulang.”
Watch the full vlog below:



