Kevin Hufana Features Roy Aguilo’s Journey of Redemption in ‘Higit sa Hatol: Home of Second Chances’ Documentary

Hindi natatapos sa paglaya ang mga hamon sa buhay ng mga dating bilanggo, dahil patuloy silang humaharap sa panghuhusga ng lipunan. Ito ang tampok sa dokumentaryong “Higit sa Hatol: Home of Second Chances” ng Team Payaman member na si Kevin Hufana, a.k.a. Keboy, na naglalahad ng mga kwento ng pagbabago at pagbibigay ng pangalawang pagkakataon.

Bilang bahagi ng kanyang undergraduate thesis sa kursong Communication and Media Studies sa San Beda College Alabang, isinulat, ginawa, at idinirekta ni Kevin ang dokumentaryong nakasentro sa buhay ni Roy Aguilo at sa mga dating Persons Deprived of Liberty (PDL) na nabigyan ng pagkakataong makapagsimula muli.

Home of Second Chances

Sa panayam ni Kevin Hufana sa BigRoys Boodle Fight owner na si Roy Aguilo, inilahad ng negosyante ang mga pinagdaanan niya matapos makalaya, kabilang ang hirap ng pagsisimula muli at ang pagharap sa panghuhusga ng ibang tao.

Aminado si Roy na kapwa mahirap ang pagkakakulong at ang paglaya, dahil kinailangan niyang harapin ang kawalan ng katiyakan sa kanyang magiging buhay. Gayunpaman, bago pa man siya makalaya, pinaghandaan na niya ang mga hakbang na nais niyang gawin upang makapagsimula muli.

Sa kabila ng mga naririnig na panghuhusga, pinili ni Roy na mag focus sa kanyang sarili at sa pagbuo ng mas maayos na kinabukasan. Para sa kanya, mahalagang matutunan mula sa mga pagkakamali at huwag nang ulitin ang mga ito.

“Ang second chance, ‘yung pagkakamali natin, kumbaga nakatatak naman talaga ‘yan sa utak natin kung ano man ‘yung pagkakamali natin sa buhay. Pero ang pagkakamali ay huwag na dapat ulitin,” ani Roy.

Naging bahagi rin ng dokumentaryo ang mga kwento ng kanyang mga empleyadong sina Richard Ocaba, Erik Bandojo, at Jordan Panaligan, na pawang nakaranas ng pagkakakulong.

Ibinahagi ng mga ito ang kanilang pasasalamat sa pagkakataong ibinigay ni Roy, lalo na sa panahong nahihirapan silang makahanap ng trabahong tatanggap sa kanila. Para kay Erik, malaking bagay ang pagtrato sa kanila ni Roy bilang pamilya sa halip na mga ordinaryong empleyado lamang.

Samantala, ipinaliwanag ni Roy na ang kanyang karanasan bilang dating bilanggo ang naging dahilan upang mas maunawaan niya ang kalagayan ng mga taong nais magbago. Naniniwala siyang hindi dapat maging hadlang ang kanilang nakaraan sa pagkakaroon ng trabaho, basta’t nakikita ang kanilang kagustuhang ituwid ang kanilang buhay.

Binigyang-diin din niya ang hangaring magpatuloy ang BigRoys sa pagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga dating PDL, kahit wala na siya sa negosyo.

Sa pagtatapos ng dokumentaryo, ipinakita ni Kevin na higit sa tagumpay ng isang negosyo, nagiging makabuluhan ang pagkakataong natanggap ni Roy kapag naipapasa niya ito sa ibang tao, na maaari ring magsimulang muli sa kabila ng kanilang nakaraan.

Netizens’ Comments

Umani naman ng positibong reaksyon mula sa netizens ang dokumentaryo, na kinilala ang husay ni Kevin sa pagbuo nito.

Queennie Shan: “Very beautiful documentary.”

Angelica Mae Laña Santos: “Ang galing!”

Ipe Sinugba: “Solid. Galing talaga, Keboy!”

Likes:
0 0
Views:
19
Article Tags:
Article Categories:
VIYLINE ENTERTAINMENT NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *