
Isang masayang collaboration vlog ang masayang pinagsamahan ni Euleen Castro o mas kilala bilang Yobab kasama sina Tita Krissy Achino at Vien Iligan-Velasquez, kung saan sabay-sabay nilang hinarap ang isang masayang cooking challenge.
Sa bagong episode ng kanilang Cook Wars, sinubukan ng tatlo ang paggawa ng Kimchi Sinigang, isang fusion dish na pinaghalo ang paboritong asim ng Pinoy sinigang at ang sikat na Korean kimchi.
A Fun Kitchen Challenge
Sa umpisa pa lamang ay hindi na nawala ang kulitan ng tatlo. Nagbiro pa si Yobab na baka ito na ang unang pagkakataon na matalo siya sa kanilang cooking challenge dahil hindi pa niya kailanman naluto ang nasabing ulam.
Habang abala sa paghihiwa at paghahanda ng mga sangkap, nauwi rin sa kwentuhan ang kanilang pagluluto. Ibinahagi ni Mommy Vien kung paano niya unang nakilala ang Kimchi Sinigang matapos itong makita sa social media at ilang beses na ipa-request na lutuin sa kanilang bahay at iniluto rin ni Dudut ng Team Payaman.

Bukod sa cooking challenge, naging usapan din ang pagkakaibigan nina Tita Krissy at Vien. Ayon kay Tita Krissy, isa si Vien sa mga taong pinakamalapit sa kaniya sa Team Payaman, dahilan upang mas maging komportable sila sa isa’t isa sa harap o likod ng camera.

Ibinahagi rin ni Yobab na matagal na siyang tagahanga ng Team Payaman hindi pa man siya nagsisimula sa mundo ng vlogging. Nagkaroon pa sila ng biruan na ang pinaka-gwapo at crush niya sa Team Payaman ay si Bods kaya naman pasimpleng tinawagan ni Tita Krissy Chino upang makausap nito si Yobab.
Pagkatapos ay tuluyan nang natikman at nahusgahan ang kani-kanilang bersyon ng kimchi sinigang. Habang hinihintay ang resulta, nauwi muna sa masayang kwentuhan ang tatlo tungkol sa pagluluto, pagiging ina, at maging ang kani-kanilang pananaw sa pag-ibig at pag-aasawa.
Naging bukas si Mommy Vien sa pagbabahagi kung paano mas lalo niyang minahal ang kaniyang asawa nang makita niya itong maging mabuting ama sa kanilang mga anak. Samantala, inamin naman ni Yobab na bagama’t gusto rin niyang maging isang ina balang araw, mayroon pa rin siyang takot pagdating sa pag-aasawa dahil sa kanyang trust issues.
The Final Taste Test
Sa pinakahihintay na taste test, ang production team ang nagsilbing hurado upang matukoy kung sino ang may pinakamasarap na kimchi sinigang. Matapos ang sunod-sunod na pagtikim at pagbibigay ng komento, nanaig ang bersyon nina Tita Krissy at Vien na pinuri dahil sa balanse ng timpla at lasa ng kanilang putahe.

Taas noo namang tinanggap ni Yobab ang kaniyang pagkatalo at inaming mas nagustuhan rin niya ang bersyon ng dalawa. Nagbahagi pa siya ng ilang tips para sa mga nais subukan ang recipe, kabilang ang paggamit ng de-kalidad na kimchi upang mas lumabas ang tamang lasa ng kimchi sinigang.
Sa pagtatapos ng vlog, nagpasalamat si Yobab kina Tita Krissy at Vien sa masayang collaboration at hinikayat ang kanyang mga tagasubaybay na mga komento kung sino pa ang gusto nilang maging susunod na makalaban sa Cook Wars.
Watch the full vlog below:





