Semana Santa: Pagninilay Para sa Huwebes Santo

Ngayong Huwebes Santo, samahan natin si Mr. Rolando Cortez, a.k.a Papa Wow, sa pagninilay sa Salita ng Diyos na nakasaad sa Juan 13:1-15

Kay buti ng Diyos sa lahat ng bagay para sa mga taong tunay na nakikipag-ugnayan sa Kanya, pangakong ibinigay ng ialay Niya ang kanyang buhay para sating lahat. 

Papasok tayo sa pinakarurok ng pananampalatayang Kristiyano, ang pagpapakasakit, kamatayan, at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Jesucristo. 

Sa ebangelyo ni San Juan, ipinadama ni Jesus na siya’y lilisan na sa sanlibutang ito kasabay ng pagpapakita ng kapamkumbabaang hugasan Niya ang mga paa ng kanyang mga alagad, at mahayag ang katotohanan sa pagkakataong ito ay malalamang may magkakanulo sa Kanya.

“Maliban sa kanyang mga paa, hindi na kailangang hugasan pa ang naligo na, sapagkat malinis na ang kanyang buong katawan. At malinis na kayo, ngunit hindi lahat.” 

“Hindi lahat” sapagkat may magkakanulo, may pandaraya, may panloloko at may panlilinlang. Masakit ang mga salitang ito, maraming magkakaibigan ang nag-aaway dahil sa hindi pagiging totoo, taksil. 

Saganang akin, kung anuman mayroon ang aking pamilya sa ngayon, ito ay biyaya at pag-ibig ng Diyos pagkatapos kung magtaksil sa Kanya at pagsisihan ang mga nagawang kasalanan. 

Isang yugto ng aking buhay na puno ng dilim, buhay na para bang wala ng pag-asa, halos sumuko na habang nakakapit pa rin ang aking mga kamay sa Krus ni Jesus, nagmakaawa, umiyak at tumangis upang tapusin na Niya ang kopa ng paghihirap ng aking kalooban at pagdurusa ng aking pamilya. 

Buhay na nagtatanung kung totoo nga ba ang Diyos, maalala ko sa ikalawang pagkakataon ng ibulalas ko sa Kanya, “Diyos ko, ikalawa na ’to na pasan ko ang daigdig.”

Mga panahong nasa balikat ko ang bigat ng buhay sa daigdig na puno ng pagsubok, kapanahunang sumasabay ang pagbagsak ng tatag ng aking isipan dala ng tinatawag nating “mental torture” at dahil dito ay lumabas ang sakit na “tension headche” sa’kin, sa loob ng sampung taon na walang humpay na atake dalawang beses sa isang linggo. 

Subalit kay buti ng Diyos sa taong nagtitiwala, hindi Siya nagpapabaya lalung nang-iiwan sapagkat ito’y kanyang pangako, ng dumating ang Kanyang takdang panahon upang harapin ang buhay Paskal, kasama dito ang Kanyang pagliligtas sa sansinukob upang magkaroon tayo ng buhay na ganap, matatag at payapa. Kapayapaang ipinagkaloob niya sa’kin mula ng ako’y makipag-isa sa Kanya, kasama na ang pag-alis ng paulit-ulit na sakit ng aking ulo. 

Ngayong Huwebes Santo, nawa’y sumaatin ang diwa ng pagpasok sa pagpapakasakit ng Diyos, kaalinsabay ng pagtanggap natin na ang buhay sa lupang puno ng sakit at dusa ay may katapusan kung tayo ay nakikipagniig sa piling Diyos.

Likes:
0 0
Views:
794
Article Categories:
WEBLOG

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *