
Matapos ang nakaraang vlog kung saan muling ginampanan ni Yow Andrada ang karakter na si ‘Waldo’ bilang tindero ng itlog, muling naglabas ang Team Payaman vlogger ng panibagong episode na tampok ang parehong karakter.
Sa kanyang bagong vlog, ibang sitwasyon naman ang kanyang hinarap, mula sa konsepto ng online shopping hanggang sa pagre-enact ng isang road rage incident.
‘Shopping is Free!’
Sa simula ng vlog, muling bumida si Yow Andrada bilang Waldo, kasama ang kapwa TP member na si Michael Magnata, a.k.a. Mentos, na kitang-kita ang tuwa matapos niyang sabay matanggap ang sweldo at 13th month pay.
Habang tumitingin ng mga gamit online, ipinakita niya kay Waldo ang app kung saan pwede siyang makabili ng iba’t ibang gamit. Nang sabihin ni Mentos ang linyang “shopping is free,” tila hindi makapaniwala si Waldo at paulit-ulit niyang binabanggit ito.

Kalaunan, dumating ang parcel ni Waldo na ikinagulat ni Mentos. Isa isa namang ipinakita ni Waldo ang mga binili niyang gamit tulad ng maliit na ilaw, mini camera, pares ng medyas, razor, mini projector at shower head.
Habang tuwang-tuwa si Waldo sa kanyang pinamili, napansin ni Mentos na nabawasan ang laman ng kanyang e-wallet. Nang tanungin niya ang kaibigan, tanging “shopping is free” lang ang tugon ni Waldo bago ito tumakbo, dahilan para habulin siya ni Mentos.

Road Rage Reimagined
Sa ikalawang bahagi ng vlog, ipinakita ni Yow ang isang viral na road rage video tungkol sa isang babaeng tinakbuhan ang kanyang binangga dahil umano wala itong pambayad sa sasakyan. Dito nagsimula ang re-enactment nila ni Mentos sa parehong sitwasyon ngunit sa isang alternate universe.
Sa halip na mainit na argumento, ipinakita nila ang mas positibong bersyon ng insidente kung saan nag-alok sila ng tulong, pagkain, inumin, pera, at kahit kotse sa isa’t isa, na nagtapos sa eksenang nagpapakita ng kabutihang loob at pang-unawa.

Watch the full vlog below:





