Junnie Boy Reveals How Fatherhood Changed His Life

Naging espesyal ang pinakabagong episode ng DougBrock Radio Podcast nang imbitahan ni Douglas Brocklehurst, a.k.a. DougBrock, ang ‘most-requested’ na miyembro ng Team Payaman na si Junnie Boy.

Kasabay ng pagdiriwang ng ikalimang anibersaryo ng podcast, naging makabuluhan ang nasabing episode dahil sa pagbabahagi ni Junnie Boy ng kanyang karanasan bilang content creator at bilang ama.

Fatherhood Transition

Sa isang eksklusibong panayam, ibinahagi ni Marlon Velasquez Jr., a.k.a. Junnie Boy, ang kanyang karanasan bilang ama at ang pagbabago sa kanyang buhay mula nang magkaroon ng pamilya, pati na rin kung paano ito nakaapekto sa kanyang mga relasyon sa mga kaibigan.

Kwento ni Junnie Boy, simula nang magkaroon siya ng dalawang anak, nagbago ang kanyang priorities. Dito, inamin niya na mas challenging ang pagiging ama ngayon dahil nahahati na ang kanyang atensyon sa dalawang bata.

Dagdag pa ni Junnie Boy, mas ramdam niya ngayon ang halaga ng oras kasama ang pamilya, at madalas ay hinahanap-hanap niya agad ang kanyang mga anak kahit sa maikling pag-alis lamang. 

Para sa kanya, mahirap kapag may mga mahahalagang sandali sa paglaki ng mga bata na hindi niya nasasaksihan.

“Ito nga, kakaalis lang namin nung nakaraan. Pero parang two days pa lang gusto ko ng umuwi.  Kasi iba na iba na talaga. Parang kapag may mga nangyayari sa buhay ng anak mo na wala ka, parang medyo nakakapanghinayang,” ani Junnie Boy.

Bagama’t mas nabawasan ang oras niya sa barkada, nananatili pa rin ang respeto at pagmamahal niya sa kanila. Para kay Junnie Boy, masuwerte siya dahil low maintenance ang kanyang mga kaibigan at patuloy na nagbibigay ng suporta kahit bihira na silang magkita.

Dagdag pa niya, malaki ang naging impluwensya ng kanyang kababata at dating barkada sa kanyang personalidad ngayon. Kahit lumayo na ang tirahan at madalang na ang pagkikita, nananatiling konektado sila, bagay na pinuri rin ni Doug bilang tanda ng tunay na pagkakaibigan.

‘Tsuper Dad’

Bukod sa pagiging tutok na ama, isa rin sa mga napag-usapan ang bagong serye ni Junnie Boy na pinamagatang ‘Tsuper Dad,’ isang reality show na nagsisilbing diary ng kanyang buhay bilang tatay sa kanyang mga anak.

Una niyang sinubukan ang konsepto nito noong 2021 habang nasa Payamansion, ngunit ngayon lamang niya ito naipatupad nang maayos dahil sa mas kumpletong kagamitan.

Ayon kay Junnie Boy, mas matured na rin ang klase ng content na gusto niyang gawin. Bagama’t kaya pa rin niyang magpatawa, mas pinipili niyang mag-iwan ng makabuluhang ‘diary’ para sa kanyang mga anak na sina Alona Viela at Von Maverick, a.k.a Mavi.

Bukod dito, nakikita rin niya na makatutulong ito sa ibang magulang na nanonood. Kung sakaling may mali siyang nagawa, maaaring maging gabay iyon para maiwasan ng iba, at kung may tama siyang nagawa, maaari itong magsilbing inspirasyon.

Sa huli, binigyang-diin ni Junnie Boy na higit sa lahat, ang Tsuper Dad ay alay niya sa kanyang pamilya. Habang patuloy na lumalago ang kanyang YouTube channel at tumatanda ang kanyang mga tagahanga, layunin niyang mag-iwan ng kwento at alaala bilang ama.

Watch the full vlog below:

Likes:
0 0
Views:
15
Article Categories:
VIYLINE ENTERTAINMENT NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *