
Isang masayang chikahan at masinsinang makeup session ang hatid ni Michelle Dy kasama ang isa sa kanyang malalapit na kaibigan at Team Payaman member na si Chino Liu a.k.a “Tita Krissy Achino”.
Sa kanyang vlog, ipinakita ni Tita Krissy ang kanyang makeup routine bilang bahagi ng kanyang karakter bilang “Tita Krissy,” isang karakter na bumago ng kanyang buhay.
Makeup Session with Tita Krissy
Habang isinasagawa ang kanilang get-ready-with-me video, ibinahagi ni Tita Krissy na hindi siya masyadong mahilig sa mga makeup tutorials.
Sa halip, natututo siya mula sa mga makeup artist na kanyang nakakasalamuha, kung saan tinitingnan niya kung paano nila ginagamit ang mga techniques sa pagpapaganda ng kanilang mga kliyente.
“Our face is like a canvas. So, walang proper way of doing your own makeup,” aniya.
Habang patuloy sa pagme-makeup, binalikan ni Chino ang simula ng kanyang impersonation journey.
Kwento niya, nagsimula ang kanyang panggagaya o impersonation sa aktres na si Kris Aquino noong taong 2017.
Nagsimula ito nang makita niya ang mga komento sa isa niyang video kung saan ginaya niya ang boses ng artistang si Kris Aquino, at dito naisipan niyang gawing isang full character ang impersonation.
Bagamat isang impersonator, binigyang-diin ni Tita Krissy na ang layunin niya ay hindi kailangang magmukhang eksaktong katulad ni Kris Aquino, kundi ang masalamin ang essence ng karakter nito.
Behind the Character
Bukod sa make-up at impersonation, masinsinan ding tinalakay ni Chino ang kanyang personal na karanasan sa pagbuo ng karakter ni Tita Krissy—mula sa unang beses niyang magsuot ng “Infinity Dress” sa publiko, hanggang sa unti-unting pagtanggap sa karakter bilang bahagi ng kanyang trabaho at, sa isang banda, bahagi na rin ng kanyang pagkatao.
Sa nasabing panayam, tapat na ibinahagi ni Chino ang kanyang mga unang karanasan sa cross-dressing. Ayon sa kanya, hindi ito agad naging komportable.
“Parang pakiramdam ko, nakahubad ako. Pero sinasabi ko sa sarili ko, ‘This is just a character,” kwento niya.
Isiniwalat din ni Chino na malaki ang naitulong ni Tita Krissy sa kanyang kabuhayan. Inilahad niyang sa pamamagitan ng karakter, nakapag-ipon siya ng tiwala mula sa kanyang tagapanood at iba’t ibang brands, dahilan kung bakit mas maraming endorsement ang pumapasok sa kanya bilang Tita Krissy kaysa bilang Chino.
Bagamat mas gusto niyang hindi siya nakikilala sa personal kapag hindi ginagaya si Kris Aquino, may epekto ito sa kanyang kumpiyansa.
“Parang kahit gusto ko siyang bitawan, parang ang mahirap, kasi dito ako nag-build ng confidence ko, eh.” Saad ni Chino.
Watch the full vlog below:
