
Isa na namang kakaibang karanasan ang hatid ng Team Payaman vlogger na si Viy Cortez-Velasquez sa kanyang bagong vlog, kung saan sinubukan niya mismo ang buhay at trabaho ng isang sepulturero bilang parte ng kanyang Halloween Special episode.
Sinimulan ni Viviys ang kanyang vlog kasama sina Melani Ducay, a.k.a Ate Lanie, at Jonas De Luna sa isang kakaibang karanasang naghatid sa kanila sa loob mismo ng sementeryo kung saan nakilala nila ang mag-asawang sepulturero na sina Romy at Angelita Patawaran.
Ayon kay Viy, sinama niya sina Ate Lanie at Kuya Jonas dahil sila raw ang madalas magbangayan sa kanilang bahay, kaya’t naisip niyang magandang bonding experience ang pagsama sa ganitong kakaibang adventure.

Life of a Sepulturero
Pagkatapos nilang magpakilala ay agad na ibinahagi ni Viy ang tunay na buhay ng pagiging isang sepulturero.
Sa mahigit apat na dekadang paninirahan sa sementeryo, ibinahagi ni Nanay Angelita kung paanong naging tahanan na nila ang lugar na dati’y kinatatakutan ng marami.
“Siguro mga apatnapung taon na po ako rito,” aniya. “Dito na kami nag-asawa ni Romy, dito na rin kami tumanda,” dagdag n’ya pa.
Habang tumulong sina Viy, Ate Lanie, at Kuya Jonas sa paglilinis ng mga nitso, nasaksihan nila ang hirap at tapang sa trabaho ng mga sepulturero mula sa pag-aayos ng mga puntod hanggang sa pagbubuhat ng mga buto ng yumao.
Kasabay nito, ibinahagi rin ni Tatay Romy ang mga kakaibang karanasan nila sa mga hindi maipaliwanag na pangyayari sa sementeryo.
Hindi rin naiwasan ni Viy na maging emosyonal nang mapunta sila sa bahagi ng libingan ng mga bata. “Na-unfair lang ako na may mga batang kinukuha… sobrang angel sila,” ani niya, habang pinipigilang maiyak.
Life Realizations
Sa dulo ng vlog, nagbahagi si Viy ng makabuluhang reyalisasyon tungkol sa pamilya at pagpapasalamat sa buhay.
“Kunin Mo na lahat sa akin, huwag lang ang mga mahal ko sa buhay,” aniya. “Habang binibigyan ako ng Panginoon ng hininga, ipagpapatuloy kong mag-spread ng kindness and love.”

Ang vlog ay nagtapos sa taimtim na dasal kasama si Nanay Blessi, bilang pasasalamat sa mag-asawang Patawaran at sa mga aral na kanilang iniwan na kahit sa gitna ng mga puntod, may buhay, pag-asa, at pagmamahal na patuloy na nabubuhay.
Watch the full vlog below:


                                            
             
            


