Mapapanood na sa People’s Television Network Inc. o PTV ang “Pinoy Pawnstars” na negosyo at YouTube segment ng vlogger-entrepreneur na si Jayson Luzadas o mas kilala bilang si Boss Toyo.
Mapapanood ito sa PTV channel simula sa May 17 tuwing 5:15 PM hanggang 5:45 PM.
A significant collaboration
Ang Pinoy Pawnstars ay negosyo ni Boss Toyo na may higit 300 episodes na sa kanyang YouTube channel.
Dito ay mapapanood ang kwento ng sari-saring kagamitan ng ilang sikat na personalidad na isinasangla sa kanya na siya namang idinadagdag niya sa kanyang rare collectibles.
“Ang Pinoy Pawnstar ay nagbibigay halaga doon sa mga gamit ng kapwa nating Pinoy na sumikat, like celebrity, vlogger, pwedeng politician, sikat na businessman. Anything na nagkaroon ng relevance,” ani Boss Toyo sa kanyang panayam sa PTV News.
Matapos lumagda ng memorandum of agreement (MOA) kasama ang PTV General Manager na si Ana Puod at Jay Ruiz ng Sentro Artista Inc., inimbita ni Boss Toyo ang mga manood na abangan ang mga karagdagang surpresa na hatid ng Pinoy Pawnstars sa PTV.
“Abangan n’yo ‘yung dulo ng show kasi meron kaming mga ilalagay diyan na mga pasabog at mga surprises na dapat abangan ng mga televiewers,” ani Boss Toyo.
Inimbita rin naman ng PTV General Manager ang iba pang content creators na interesadong bumuo ng iba pang konsepto ng programa sa kanilang television network.
“I am inviting other content creators whether from social media po or traditional content creators, kasi although PTV is currently producing new content for you, marami pa rin pong klase ng konsepto na pwede n’yo pong ibahagi sa amin. So PTV po right now ay open-minded sa lahat po ng klase ng content,” paliwanag ni Ms. Puod.
Maaaring abangan ang Pinoy Pawnstars sa PTV channel simula sa May 17, pagkatapos ng programa ng PCSO Lotto Draw.