Bukod sa best-seller Ensaymada at Cheese Bread, may bagong dapat abangan sa TiBabi’s Kitchen nina Kevin at Abigail Hermosada sa nalalapit na Team Payaman Fair Holiday Paawer Up.
Isa na dyan ang “Guilt-Free Carrot Cake” na swak na swak sa mga gaya nilang nagda-diet. Ibinahagi ng resident baker ng Team Payaman ang recipe ng bagong produkto at ipinatikim ito sa mga kasamahan sa unang pagkakataon.
Carrot Cake
Sa bagong vlog ni Abigail Campañano-Hermosada, isang bagong recipe na naisipan nitong ihanda para sa mga kaibigan sa Congpound na puspusan ang pagda-diet.
Kamakailan lang ay ipinatikim ni Abi sa Team Payaman ang kanyang healthy Oatmeal Cookies, ngayon ay isang masarap na dessert naman ang gagawin nito.
Pero siyempre, siniguro ni Abi na masustansya ang mga gagamiting sangkap para umayon sa diet ng mga kaibigan na kalahok sa 30-Day Fitness ng Challenge ng Team Payaman.
Kabilang sa mga inihandang sangkap ni Abi para sa Guilt-Free Carrot Cake ay ang mga sumusunod:
- All-purpose flour
- Olive Oil
- 3 Whole Eggs
- Muscovado Sugar
- Cinnamon Powder
- Salt
- Baking Powder
- Baking Soda
- Chopped Wallnut
- Crushed Pineapples
- Almonds
- Grated Carrots
“Guys sobrang dali lang nitong recipe na ‘to, medyo madami-dami lang siyang ingredients,” ani Abi.
“Pwedeng pwede niyong gawin ito sa inyong mga bahay, kung gusto niyong maging healthy,” dagdag pa nito.
Matapos paghaluin lahat ng sangkap ay nilagay na nila ito sa cake mold at saka isinalang sa pre-heated oven na may init na 170C° sa loob ng 20-minuto.
Pagkaluto ay nilagyan ito ni Abi ng cream cheese frosting, almonds, at grated carrots.
Taste test
Syempre hindi kumpleto ang baking episode kung walang magaganap na taste test mula sa Team Payaman.
“Sobrang sarap! I really love when you are baking, but why are you doing this in the middle of the (fitness) challenge?” ani Steve Wijayawickrama.
Ayon naman kay Viy Cortez: “So yummy! Hindi mo mafe-feel yung carrots, parang hindi carrots yung kinakain mo so feeling ko perfect siya kahit sa bagets!”
Samantala, ibinunyag din ni Abi na ang nasabing Carrot Cake ay mabibili sa TiBabi’s Kitchen booth sa Team Payaman Fair Holiday Paawer Up sa December 27-30 sa SMX Convention Center Manila.
Kaya kung gusto niyong matikman ang Carrot Cake at iba pang pastries mula sa TiBabi’s, sugod na sa teampayamanfair.com para bumili ng inyong mga ticket.