Dahil sa tuluyang pagkahumaling sa motorsiklo, hindi pinalampas ng Team Payaman boys ang pagkakataon na makapanood ng isang karera ng motorsiklo.
Sa bagong vlog ni Aaron Macacua, a.k.a Burong, ipinasilip nito ang pagpunta ng Team Payaman Moto Club sa Batangas Racing Circuit upang masaksikan ang isang motor racing sports.
First-Ever Experience
Kasama sina Cong TV, Junnie Boy, at Genggeng, bumiyahe patungong Batangas ang grupo para sa isang panibagong moto experience na maaaring makadagdag sa kanilang kaalaman bilang mga rider.
Dinayo nila ang Batangas Racing Circuit sa Rosario, Batangas na tinaguriang isa sa pinakamalaking organizer ng motorsports sa bansa dahil sa mga race track na makikita rito.
Tila naging katuwaan din nila Burong at Cong TV ang pagkakaroon ng pustahan sa nagaganap na karera.
“Uy panalo ako [sa] pustahan, isang libo pre,” paniningil ni Burong.
“Sabi ko katuwaan lang eh!” depensa naman ni Cong TV.
“Sabi ko na pag ako nananalo, nagiging katuwaan,” panghihinayang ni Burong.
Hindi rin nalimutan ng grupo na magpakita ng suporta para sa kanilang coach na si Dashi Watanabe na nagturo ng mga impormasyon at kaalaman na dapat nilang matutunan sa larangan ng pagmomotorsiklo.
Walang Iwanan
Matapos ang masayang panonood ng karera, kinabukasan ay binisita nila ang kaibigang si Boss Keng na hindi nakasama sa nasabing lakad.
Ngunit tila hindi maganda ang naging reaksiyon ni Boss Keng at agad inilabas ang kanyang saloobin tungkol sa pag-iwan sa kanya ng mga kaibigan.
“Burong, late dadating, wala pa, wait natin Burong. Junjun, sleeping, hindi alis Boss Keng kahit anong mangyari. Bossing, sleeping, hindi alis Boss Keng kahit anong mangyari,” ani Boss Keng.
“Boss Keng, sleeping, alis kayong tatlo?” patampong dagdag nito.
Agad namang dumipensa ang grupo na matagal nilang hinintay si Boss Keng.
“Kung alam mo lang kung gaano kami katagal nag-antay sayo,” paliwanag ni Burong.
“Ginising ko si Boss Keng. Hindi ka nagising kasi hindi ka nagigising,” giit naman ni Genggeng.
Hindi nagtagal ang alitan ng Wild Dogs dahil humingi sila ng kapatawaran sa isa’t-isa at nagkasundong maghihintayan at hindi na mag-iiwanan kailanman.
Watch the full vlog below: