Bilang pagsalubong sa taong 2023, isang pasabog na naman ang hatid ni Viy Cortez sa kanyang mga taga suporta at suki ng kanyang mga negosyo.
Matapos ang 12.12 Grand Decemberific Freeviys Sale noong Dec. 12, 2022, siniguro ng 26-anyos na vlogger at entrepreneur na mas magiging handa ang VIYLIne Group of Companies sa pagdagsa ng mas marami pang orders.
Kaya naman pinaghahandaan na nito ang mas pinalaki at mas pinalakas na pwersa ng VIYLine sa pamamagitan ng pagbubukas ng isang bagong “fulfillment center.”
VIYLine Fulfillment Center
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Viy Cortez sa kanyang milyun-milyong taga-suporta ang planong pagbubukas ng panibagong warehouse at opisina.
Ang warehouse na ito ay magsisilbing opisyal na “VIYLine Fulfillment Center,” kung saan lahat ng orders ay papasok, ihahanda, at sisiguruhing maipapadala sa mga customer sa lalong madaling panahon.
Ayon sa VIYLine CEO, kasalukuyan ng inaayos ang nasabing opisina at magbubukas matapos ang dalawang buwang renovation.
“See you after 2 months!” ani Viy Cortez kalakip ang mga litrato sa bagong warehouse.
“Start na ng renovation, bubutasan pa namin at pagduduktungin dahil sa VIYLINE din yung kabila kaya magkakaroon ng overlooking mula sa opisina sa kabila, gagawing all white at naka centralized ac (air conditioning),” dagdag pa nito.
Biro pa ng batikang vlogger, paparating na ang VIYLine Fulfillment Center at paghahandaan na ng VIYLine girls ang higit 1 million orders ng Viviys.
Lesson learned
Samantala, sa isa namang Instagram Story entry, ibinahagi ni Viy Cortez ang kanyang mga plano para sa nasabing fulfillment center.
“After 2 months all white na siya at nakadugtong na sa kabila dahil lagayan din ng Viyline ang kabilang warehouse May opisina na siya sa taas kaya lalagyan namin ng salamin magiging overlooking ang fulfillment center mula sa taas.”
Paliwanag ni Viy, ang bagong warehouse na ito ay dala ng mga natutunan ng VIYLine Group of Companies sa mga nakanselang orders noong nagdaang 12.12 Sale.
Dagdag pa nito: “Triple ang team, mas magandang inventory management, madadagdagan na dep (department) kaya magkakaroon ng bagong mga TL, talaga namang walang ibang pupuntahan ang Viyline kundi paangat!”