Nanawagan ang YouTube content creator na si Boss Keng sa kanyang mga subscribers matapos ma-hack ang kanyang YouTube channel kamakailan lang.
Umaga ng Huwebes, Aug 11, nang mapansin ng mga fans ni Christian Gaspar, a.k.a Boss Keng na tila hindi mahanap ang channel nito sa nasabing video-sharing platform.
Imbes na “Boss Keng” channel ay isang cryptocurrency investment channel na “Ark Investment” ang tumambad sa Team Payaman fans.
Ayon sa reliable source ng VIYLine Media Group (VMG), agad nang inaksyunan ang nasabing hacking incident sa pangunguna ni Team Payaman bossing Cong TV.
Panawagan ni Boss Keng
Ilang araw na ang nakalipas ay hindi pa rin nababawi ni Boss Keng ang kaniyang YouTube channel, kaya naman may panawagan ito sa kanyang mga subscribers at fans ng Team Payaman.
Sa latest vlog ng kapwa Team Payaman Wild Dogs na si Dudut Lang, naglabas ng kanyang saloobin si Boss Keng kaugnay ng naturang insidente.
“Galing ako sa sa 3.4 M (million) subs (subscribers) na, ngayon 3.1 M (million) nalang, kasi nag-unsubscribe sila, naintindihan ko naman,” ani ng 26-anyos na vlogger.
Pero imbes na malugmok ay tinignan pa rin ng Team Payaman ang magandang maidudulot nito sa kanilang mga fans.
Paliwanag ni Dudut, maganda na mag-subscribe pa rin ang mga fans ng Team Payaman sa hacker ng channel na Ark Investment upang matuto sila sa tamang paggamit ng pera at pagpasok sa mga investment.
“Because even if you have all the money in the world, pag ‘di mo na-invest ng tama yan, ubos yan!” ani Dudut Lang.
Pero dagdag nito: “Nanawagan si Boss Keng na sige iwan nyo habang (nasa) Ark Investment pa yan, pero sana bumalik kayo pag Boss Keng na ulit.”
Boss Keng ng Team Payaman
Nakilala si Boss Keng bilang isa sa mga barkada ni legendary YouTube vlogger, Cong TV at bilang longtime boyfriend ng kapatid nitong si Pat Velasquez.
Kalaunan ay sumabak na rin sa vlogging si Boss Keng na buong puso namang sinubaybayan ng buong Team Payaman fans.
Patok sa YouTube channel ni Boss Keng ang mga kakaibang challenges na nagsimula noong tumira ang grupo sa content house na tinaguriang “Payamansion.”
Kamakailan lang ay sumabak na rin sa travel vlog si Boss Keng na siyang kinagigiliwan rin ng netizens.
Bukod sa vlogging ay isa ring ganap na negosyante si Boss Keng na nagmamay ari ng Wagyuniku by Pat and Keng sa BF Aguirre, kasama ang kanyang misis na si Pat Velasquez-Gaspar. Isa rin ito sa mga host ng Spotify podcast na “Payaman Insider” kung saan kasama niya ang kapwa Team Payaman boys na sina Junnie Boy, Burong, at Tier One Entertainment Big Boss Tryke Gutierrez.