Mabuting Balita: Juan 29: 1-9
Madilim-dilim pa nang araw ng Linggo, naparoon na si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong panakip sa pinto ng libingan.
Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Hesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha sa libingan ang Panginoon at hindi namin alam kung saan dinala!”
Kaya’t si Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro’y naunahan ng kasamang alagad. Yumuko ito at sumilip sa loob. Nakita niyang nakalagay ang mga kayong lino, ngunit hindi siya pumasok.
Kasunod niyang dumating si Simon Pedro at tuloy-tuloy itong pumasok sa libingan. Nakita niya ang mga kayong lino, at ang panyong ibinalot sa ulo. Hindi ito kasama ng mga kayong lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating; nakita niya ito at siya’y naniwala. Hindi pa nila nauunawaan ang nasasaad sa Kasulatan, na kailangang muling mabuhay si Hesus.
Repleksyon
Tanong ni Viy noong araw ng palaspas,
“Pag tumatanda ba Pa, ganun talaga?”
Napag-usapan namin tungkol sa mga sakit ng katawan, sapagkat kinaumagahan naka-schedule ang operasyon ng pagtanggal ng gallbladder ng kanyang Ina – ang aking maybahay, katulad din niya, tinanggalan ng gallbladder noong isang taon.
Araw ng palaspas, araw ng nabagabag ang kalooban ng aking pamilya sa nagaganap na pagsubok sa karamdaman, habang binubulalas din ni Viy ang agam-agam ng mga taong nasa Payamansion.
Sagot ko: “Yes, meaning kung sa makina ng sasakyan, sa kalumaan nasisira. Kaya nakadepende ang makina paano alagaan, ganun din ang katawan.”
Ngayong araw ay selebrasyon ng pagkabuhay ni Jesus, mensaheng nagbibigay ng pag-asa sa mga taong nawawalan ng gana at lasa ang buhay, napanghihinaan ng loob upang lumaban sa katotohanan ng buhay na puno ng problema, kahirapan at maging kaguluhan.
“Pero paano ko nga ba nilalabanan ang mga suliraning ito ng buhay, upang maging masigasig na gampanan ang nalalabing hininga ng aking buhay sa lupa?”
Sabi sa sulat ni Mateo ay ganito:
“Kaya’y laging kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi Ninyo nalalaman.” (24:44)
Laging maging handa, walang puwang sa akin ang katamaran, paghahanda lagi ng pagbabalik ni Jesucristo o pagbabalik ng kaluluwa ko sa langit. Dahil dito nagiging masigla at masigasig na lumalaban ako sa mga hamon ng buhay, palagi itong sinasambit ko sa tuwing nagdarasal kami sa opisina tuwing umaga kung bakit hindi ako maaaring mapagod sa pang-araw-araw na trabaho sa VIYLine, hindi dahil sa pera o materyal na bagay kundi ang ginagawa ko sa loob ng VIYLline Group of Companies ay pag-aalay ko sa Diyos at pamilya upang sa pagbabalik ko sa Kanya ay masasabi kong naging kapakipakinabang ang bawat oras ko sa lupa. Sapagkat alam kong ang kamatayan ay parang magnanakaw sa gitna ng gabi, o maaaring kuhanin ang aking hininga anumang oras kung gugustuhin na ng Diyos.
Ano nga bang sikreto kapag tayo ay naghahandang makaharap ang Diyos? Sa pagbabalik Niya o pagkikita sa langit kasama ang Ama.
Di ba’t ang mga trabahador o kaya ay tagapagsilbi ay abala sa paghahanda para pagdating ng kanyang pinaglilingkuran o ang mga trabahador ay abala sa kani-kanilang trabaho upang kung magtanung ang kanilang boss kung anong ginawa, sila’y may isasagot, at sa likod nito ay may resulta, may ginawa, may productivity sa larangan ng pagtatrabaho.
Ito ang kasagutan ng nawawalan ng pag-asa, ng gana o pinanghihinaan ng loob, maging produktibo sapagkat kasunod nito ay ang ating hinahanap na mga pangangailangang materyal. Kusang sumusunod kapag tayo ay productive sa araw-araw, kusa ring susunod ang kabutihang espiritwal ng ating kaluluwa sa lupa man o sa langit kapag tayo ay naghahanda.
Ito ang misteryo ng pagkabuhay ni Jesus, kung atin sanang mauunawaan ang hiwaga ng Kanyang pagkabuhay magiging ganap ang mundong ito.
Madali ba ito? Hindi!
Kailangang dumaan tayo sa apoy ng pagsubok bago maunawaan ang misteryong ito, katulad ng ginto, dumadaan sa apoy bago makuha ang pagkapuro nito.
KAYA’T IHANDA NATIN LAGI ANG ATING MGA SARILI SA PAGBABALIK NG PANGINOONG JESUCRISTO!
Ayon sa sulat ni San Juan ay may sinasabi ng ganito: “Hiwalay na nakatiklop sa isang tabi.”
Bakit nga ba nakatiklop ang lino at ano ang kahalagahan nito sa muling pagkabuhay ni Jesucristo?
Sa tradisyon ng mga Hebreo, kapag sila’y kakain may maliit na tuwalya o napkin na inihahanda ang mga tagapagsilbi. Maayos ang pagkakatupi para magamit ng amo, ihahagis na lamang ang napkin pagkatapos gamitin sa pagpunas ng kamay o labi, subalit kung ang kumaing amo ay tiniklop ng maayos ang napkin at inilagay sa tabi ng plato, ang gagawin ng tagapagsilbi ay hindi niya ito gagalawin sapagkat ang ibig sabihin nito’y “babalik pa ako”.
“Hindi pa tapos” sapagkat siya’y babalik, tiniklop ng maayos ni Jesucristo ang lino, pagpapahiwatig na Siya’y babalik.
Napakagandang paalalang hindi pa Siya tapos sa’tin. Siya’y magbabalik at maghahari sa mundo upang gawin ang Kanyang Paghahari, buhay na puno ng katwiran na may dalang gantimpala sa mga karapat-dapat na makatatanggap.
“Mapapalad ang naglilinis ng kanilang kasuotan sapagkat bibigyan sila ng karapatang pumasok sa lungsod at kumain ng bunga ng punong kahoy na nagbibigay-buhay.” Pahayag 22:14
Mapalad ang sinumang naglilinis ng sarili, naghahanda ng may malinis na pagkatao, sapagkat tatanggap siya ng biyaya sa lupa at sa langit ng buhay na ganap, walang kalungkutan, walang katamaran at hindi sumasagi sa kanya ang kawalan ng pag-asa.
“Mapalad ang tumutupad sa mga propesiya na nilalaman ng aklat na ito.” Pahayag 22:7
Sikapin natin ang araw ng pagkabuhay ay pagkabuhay din ng ating sarili upang maunawaan ang Salita ng Diyos.