Sa ikatlong araw ng ating pagninilay, tinalakay ni Mr. Rolando Cortez, a.k.a “Papa Wow,” ang Salita ng Diyos batay sa Lucas 24:1-12.
“Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay?”
Sa kinalakhang kong lugar sa Bicol ay may kaugaliang ginagawa sa hatinggabi pagkamatay ni Jesucristo bago pumasok ang Sabado de Gloria (Black Saturday). Ito ang “Soledad” – prosisyong punong-puno ng tugtugan at awitan ng mga bata at matatanda, gamit ang mga iba’t-ibang instrumento sa musika.
Subalit ang mga awitin at tugtugang ito ay punong-puno ng damdaming nasasaktan, nagtitiis ng kirot ng pusong nag-aalala habang hinahanap ni Inang Maria ang libingan ni Jesucristo. Isang madamdaming yugto sa buhay ng isang ina pagkatapos ng pagdurusa ng anak hanggang sa kamatayan.
“Nasaan ang libingan ng aking anak?”
Ito ang mabigat na katanungan ng nagdadalamhating Ina.
Kinaumagahan ay nagpunta ang mga babaeng sina Maria Magdalena, Juana at si Mariang ina ni Santiago upang dalhan ng pabango ang bangkay ni Cristo, subalit naigulong na ang batong nakatakip sa pintuan. Pumasok sila at wala ang bangkay ni Jesus, naguguluhan at natatakot, at nadagdagan pa ito ng magtanong ang lalaki, “Bakit Ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay?”
Ipinaalala pa ng lalaki ang sinabi ni Jesus noong siya ay nasa Galilea, “Ang Anak ng Tao ay kailangang ipinagkanulo sa mga makasalanan at maipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabuhay.”
Kung tutuusin ang sitwasyong ito ay napakagandang kwento, parang pelikulang kay ganda ng ending. Nagwawagi ang bida, pero iba, totoong buhay ang pinag-uusapan, walang nakakaalam kung anong mangyayari?
“Nasaan si Cristo?
Ito ang tanong ko din noon, sa repleksyon ko noong Biyernes Santo ay hinanap ko ang Diyos sa panahong puno ng dilim ang aking buhay. Parang patay na buhay ang aking naranasan noong hinahanap ko Siya, buhay na sana ay ending na agad sa pelikula, katapusan na agad ng kwento, ang mananaig ang bida sa kwento.
Iba ang pananampalataya kaysa sa pelikula, kailangang maniwala ka kahit hindi mo nakikita ang pinanggalingan ng pangakong pag-asa. Hindi ito “to see is to believe” but “believe first before seeing.”
Maliban pang hindi maunawaan ng tao ang binanggit ni Jesus na siya’y babalik sa ikatlong araw, malay ba nila/natin kung ano lang ‘yon. Malay ba natin kung totoo ang sinasabi niyang pagkabuhay sa ikatlong araw at ano ang dala nito sa sangkatauhan.
“Nasaan si Cristo?”
Ang sagot ng Kanyang pagkawala ay ang pagbabalik na tapusin ang paghihirap ng tao, saganang akin, tinapos niya ang masaklap na yugto ng aking buhay nang Siya’y mawala. Ang buhayin ang patay kong buhay sa mundong patay na nangingibabaw ang kasamaan.
Ang mundong aking ginagalawan ngayon ay mundong buhay na buhay, punong-puno ng pag-ibig ng Diyos. Ito ang Kanyang pangakong dala ng pagkabuhay pagkatapos ng paghihirap at kamatayan.