Muli nating samahan si Mr. Rolando Cortez, a.k.a “Papa Wow” ngayong Biyernes Santo upang pagnilayan ang Salita ng Diyos na nakasaad sa Juan 18: 1–19, 42
Ang araw ng Biyernes Santo ay tinatawag ding Good Friday, paano nga ba naging mabuti ang araw na ’to?
Tuwing Biyernes Santo, noong bata pa ako ay araw ng hanapbuhay, pagtitinda ng ice candy ang aking gagawin mula umaga at uuwi sa hapon upang magbihis para sa prusisyon.
Pinakahihintay sa lahat ng mga araw sa selebrasyon ng buong panahon ng kuwaresma, araw ito ng pagpapakasakit ng Panginoong Jesucristo hanggang siya’y mamatay mula sa libu-libong sugat na tinamo ng kanyang katawan, kasama na rito ang dinanas Niyang mental torture, ang ipahiya, insultuhin at pagtawanan.
Isang hari, pinahirapan sa harapan ng mga tao, tinuya, nilagyan pa ang krus ng nakakainsultong salita, “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio” sa kanyang ulunan, sabay sabi, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus.”
Masakit na salita at sa panahong nakapako siya sa krus, hindi maiwasan ng isang haring nakabayubay sa krus ang ibulalas sa dakilang Ama ang “Eli Eli Lama Sabachthani” (“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”) Kalbaryo, dugo’t pawis ang bumuhos, iligtas lamang ang lahat ng tao, magkaroon lang ng buhay na walang hanggan.
Nang sabihin ni Jesus sa huling hapunan, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” Iisang pagpapahayag ng dakilang Diyos na akala ko ay buhay na puno ng saya ang dulot nito, at sinabi din Niya, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo.”
Ang alam ko lang noon ay pag-aalaala ito sa buhay ni Cristo, naririnig ko ang paghihirap, kanyang kamatayan hanggang sa pagkabuhay tuwing makakapanood ng Pasyon. Nasisiyahan sa mga galing ng mga aktor o aktres na pumapapel sa buong kwento ng Pasyon. Akala ko noon kwento lang ito, subalit totoo rin pala sa tunay na buhay, modelo Siya ng buhay. Nababasa ko ito sa mga aklat, yun pala pati ang paghihirap na ’to ay matutulad din sa aking karanasan sa daigdig.
Sa tuwing nagpapahayag ako ng aking buhay sa’ming daily morning prayer sa opisina ng VIYLine, madalas kong ibahagi ang naging kopa ng aking buhay. Buhay na tiniis ng aking puso, naghanap ng kapahingahan, naghanap ng katapusang bumuhos naman sana ang luha ng kaligayahan imbis ang luha na puno ng dusa, luha ng kalungkutan at kasabay na rin ang pagtatanong sa Manlilikha, “Bakit mo ako pinabayaan? Buhay ka ba talaga?”
Tatlumpu’t limang taon ang aking binilang bago maramdaman ang pag-ibig ng Diyos, bago siya sumagot sa aking mga panalangin. Tatlumpu’t limang taong umagos ang aking luha ng hapis sa aking mga mata, panahong halos sumuko na dahil sa kawalan ng pag-asa ng pangako ng Diyos – nangarap ding kitilin ko na lamang ang aking buhay, katulad ng aking pinakamamahal na ina o ng aking maibiging kapatid. Gusto ko ng mawala sa mundo, tinakluban ng sakbibi ng pait ang buhay na hindi ko naman pinili. Minsan nasa harapan ako ng Quirino Grandstand, nakaupo sa driver seat, katabi ang aking Biblia, bumulong ang masamang espiritu, “Walang magagawa ang libro na yan, kung ako sa’yo tumalon ka na lang sa dagat.”
Panahong wala akong pera, maalala ko labing tatlo kami noon sa bahay, nilalagnat ang aking maybahay, naghihintay sila upang dalhan ko ng makakain. Iniisip ko magbabayad pa ako ng bayad sa tollgate imbis pambili ng ulam. Kung hindi ako nagkakamali, may limandaang sa aking bulsa, pag-uwi bumili ako ng isang kilong galunggong at pansahog na gulay, huling pera. Niluto at may pagpapakumbabang ginising ang aking may bahay dahil sa kawalan ng pera alam ko di rin kami bati sa mga oras na yun.
Kuaresma, paghihirap, kamatayan at pagkabuhay ni Cristo, pagpapakita pala ito kung anong mayroong buhay ang tao sa daigdig na’to.
Napakabait ng Diyos, sa kabila ng aking pagiging makasalanan ay ipinagkaloob pa rin Niya sakin ang buhay na ganap, buhay na wala ng mahihiling pa.
Pangako ng Diyos, pangako ng bagong buhay, pangako ng Kanyang pagkabuhay sa araw ng Linggo ng Pagkabuhay, kasabay nito ang pangakong bibigyan Niya ang sinumang naghahanap, sinumang nagtitiwala at sinumang umaasa sa Panginoong Diyos, hinding hindi Niya bibiguin sinuman, ito ang pangako ng Kuwaresma, ito ang pangako ng Banal na Krus ni Jesus, ito ang pangako ng Biyernes Santo, ang Good Friday, kaligtasan sa langit at kapahingahan, katatagan at kapayapaan sa lupa habang naghihintay ng ating pagbabalik ng hiram na buhay.